-- Advertisements --

CEBU CITY – Nakumpiska ng Cebu Provincial Anti-African Swine Fever Task Force ang mga sako-sakong canned meat products na nagkakahalaga ng halos P200,000 sa Pier Uno, sa lungsod ng Cebu.

Ito ay alinsunod sa mas pinahigpit na seguridad ng mga pantalan at sa lahat ng entry points sa lalawigan ng Cebu upang maiwasan ang pagkalat ng African swine fever (ASF).

Ayon kay Dr. Mary Rose Vincoy ng Anti-ASF Task Force, nanggaling umano sa lalawigan ng Bohol ang shipment ng isang Chinese-brand na luncheon meat kung saan ipapadala naman ito sa isang warehouse sa Mandaue City.

Una rito, ipinag-utos ni Cebu provincial Governor Gwendolyn Garcia ang pag-ban ng mga pork products sa buong lalawigan sa loob ng 100 araw.

Ayon kay Garcia na hindi maaring makapasok at kumalat ang naturang sakit dahil makakaapekto ito sa hog industry ng lalawigan.

Nakatakdang idi-dispose ang mga nasabat na canned meat product sa pamamagitan ng paglilibing nito.