-- Advertisements --

VIGAN CITY – Imbes na tradisyonal na graduation cap, kakaiba ang ginamit ng mga nagsipagtapos sa isang high school sa Bangued, Abra.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dr. Herman Barcena, principal ng San Quintin National High School, gumamit ang mga Grade 10 ng salakot mula sa bunga ng upo o mas kilala sa tawag na kattukong.

Ayon pa kay Barcena, nagsimula ang nasabing ideya nang ma-confer bilang Manlilikha ng Bayan noong 2012 si Teofilo Garcia mula San Quintin, Abra, at isinalin ang paggawa ng salakot sa kaniyang kababayan.

Ang mga mag-aaral din ng San Quintin National High School ang gumawa ng salakot.

Dagdag pa ng school principal, nilagyan nila ng tassel ang mga kattukong na siyang nagsilbing graduation cap ng mga estudyante.

Hindi ring karaniwang graduation toga ang ginamit ng mga estudyante, bagkus nilagyan nila ng sablay ang kanilang school uniform na may initial ng kanilang paaralan.