Trauma at panic ang naranasan ng maraming mga residente sa Surigao City at kalapit na lugar sa Surigao del Norte matapos na tumama ang 6.7 magnitude na lindol kagabi.
Sa kuwento sa Bombo Radyo ni Annette Villaces, ang public information officer ng PIO Surigao City local government, nagkataon daw na nasa opisina pa siya kagabi para mag-overtime nang tumama dakong alas-10:00 ng gabi ang malakas na lindol.
Ayon sa kanya kumpara sa malakas na lindol na tumama rin noong March 2012, mas malakas umano ang naramdaman nila kagabi.
Maging ang kanilang chandeliers, TV, printers, computers at iba pa ay nagsipagbagsakan sa sahig dahil sa halos 10 minutong pagyanig.
Sa lakas daw ng impact ng earthquake, maging ang upuan na monoblock ay mistulang naglalakad at palipat lipat.
Matapos ang main quake ay bigla umanong nawalan ng suplay ng koryente.
Hindi rin kaagad daw siya nakatayo dahil sa mahilo-hilo pa bunsod ng pagyanig.
Paglabas niya ng opisina ay nandoon na rin sa kalsada ang maraming tao na takot na takot at nagpa-panic.
Marami umano ang nais na magtungo kaagad sa mas mataas na lugar dahil sa takot na baka may tsunami.
Sa mga oras na ‘yon ayon kay Villaces, wala na siyang naisip pa kundi asahan na ang susunod na tsunami.
Dahil sa wala pang impormasyon mula sa Phivolcs Surigao, nag-check daw uli siya sa kanilang digital monitor at nakita niya na nasa intensity 6 ang lakas ng lindol.
Dito raw naisip niya na walang inaasahang tsunami na mangyayari na siya ring impormasyon na ipinaabot na sa kanila ng Phivolcs at maging ng central office.
Agad din daw ipinaabot nila ito sa mga residente para payapain dahil ang sentro ng lindol ay sa kalupaan tumama at hindi sa dagat.
Hanggang ngayong umaga ay wala pa ring suplay ng koryente at tubig.
Kahit papaano ay nagpasalamat din ang mga residente na bumalik kaagad ang signal ng komunikasyon lalo ng cellphone kaninang madaling araw.
Tinawag naman ni Villaces na major damage ang iniwan ng lindol sa mga imprastraktura kasama na ang ilang mga tulay, mga bahay at iba pa.
May ilan na ang nasawi at marami ang sugatan.