ILOILO CITY – Umaasa ang grupo ng mga guro sa Western Visayas na marinig na ang update sa hinihinging salary upgrade sa ikalawang State of the Nation Address ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo may Maximo Montero, chairman ng Alliance of Concerned Teachers-Western Visayas, sinabi nito na hiling ng grupo ang P20,000 na accross-the-board increase.
Ayon kay Montero, inaasam rin nila na mabigyang-pansin ang kakulangan sa classrooms at ang pag-hire ng karagdagang mga guro.
Para naman sa Kinder to Grade 10 (K-10) curriculum na nalalapit nang ilulunsad ng Department of Education at nakatakdang ipatupad sa school year 2024-2025, umaasa ang grupo ayon kay Montero na maibalik ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct.
Inaasahan rin ang pagbabalik ng Philippine History sa Junior High School.
Kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Marcos, magsasagawa rin ang naturang grupo ng State of the People’s Address o State of the Teacher’s Address upang ipaabot ang kanilang panawagan sa gobyerno.