Ikinagulat ni Albay Rep Joey Salceda ang pagsipa ng rice inflation sa kabila ng umiiral na tariff reduction.
Sa pagdinig ng “Murang Pagkain Supercommittee” o Quinta Committee ngayong araw, ikinabigla ni Salceda ang ulat ng Philippine Statistics Authority na sumipa sa 9.6 percent ang rice inflation noong Oktubre.
Ayon kay Rachel Lacsa ng PSA, bahagya pa lanag na nararamdaman ang tariff reduction kung saan 50 pesos and 22 centavos ang presyo ng regular-milled rice kada kilo sa kasalukuyan, mula sa 50.90 pesos noong Hulyo.
Punto ni Salceda, napakaimposible ng numero lalo’t mula 35 percent ay ibinaba sa 15 percent ang taripa sa rice imports at harvest season pa.
Masyado aniyang malayo kung 45 pesos ang ipinataw na price cap ni Pangulong Bongbong Marcos noong Setyembre ng nakaraang taon samantalang nasa 44 hanggang 45 pesos ang average na presyo ng bigas ngayon.
Suspetsa tuloy ni Salceda, tila mga rice cartel lang ang nakinabang sa reduced tariffs pati na mga importer.
Kinumpirma ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo batay sa kanilang imbestigasyon ay nasa 50 hanggang 60 pesos pa rin ang presyo ng imported na bigas at hindi man lang gumalaw kahit may ipinatutupad na bawas sa taripa.
Ayon sa mambabatas, mahalaga umanong imbestigahan na sa halip na mapunta sa savings ng gobyerno ang bunga ng tariff reduction ay maaaring pinakikinabangan ito ng importers at namamanipula ang presyuhan.