-- Advertisements --

Ikinalugod ni House Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang appointment ni Rafael Consing Jr. bilang Presidente at Chief Executive Officer ng Maharlika Investment Corporation.

Sinabi ni Salceda na malaki ang kaniyang tiwala kay Consing  na magampanan nito ang kaniyang trabaho na mamahala sa sovereign wealth fund ng bansa.

Ayon kay Salceda, malawak ang karanasan ni Consing sa financial management at pangangasiwa ng malalaking proyektong pang-imprastraktura.

Dagdag pa ng ekonomistang mambabatas na may background si Consing sa finance, development at public administration na mahalagang bahagi ng Maharlika.

Kabilang aniya rito ang project financing ng 398 million-dollar deal para sa Victoria International Container Terminal kung saan tumanggap ng iba’t ibang parangal si Consing.

Ibinida rin ni Salceda na naging chairperson si Consing ng limang kumpanya gaya ng Laguna Gateway Inland Container Terminal Inc.

Makahihikayat umano ng maraming investments sa MIF ang bagong opisyal lalo’t binigyan din ito ng pagkilala bilang Best CFO for Investor Relations.

Bukod sa academic background sa public governance, nakatrabaho ni Salceda sina Consing at ang Office of the Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs sa pagbuo ng amendments sa CREATE Law at Public-Private Partnership Code.