Ikinalugod ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang pag-review ng Department of Transportation sa implementasyon ng Public Transport Modernization Program.
Sinabi ni Salceda magandang hakbang ang ginawa ni Transportation Secretary Vince Dizon dahil ang nasabing programa ay “long overdue.”
Dahil dito naglatag ng mga mungkahi si Salceda kaugnay sa financial studies hinggil sa viability ng programa.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang presyo ng modern jeepney kada unit ay siyang tutukoy kung kakailanganin ang pagtaas ng pasahe sa hinaharap.
Naniniwala ito na kapag mas mura ang PUJ units na mabibili ay mas mababa ang fare adjustments, sang-ayon na rin sa lumabas na impormasyon sa pagdinig ng House Committee on Transportation.
Sa katunayan, may mga domestic manufacturer umano na nag-aalok ng mas murang alternatibo kumpara sa naunang na-procure na imported PUJs.
Dapat din aniyang mabawasan ang gaps sa pagitan ng public transport routes upang maging inclusive ang public transport systems para sa senior citizens at persons with disabilities.
Binigyang-diin ni Salceda na kailangan na ng disenteng public transport routes para sa mga paliparan lalo’t problema rin ito sa ilang rehiyon tulad ng Bicol.