Kumpiyansa si House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda na bubuti na ang galaw ng inflation sa bansa sa sandaling maamiyendahan ang Rice Tariffication Law.
Ito’y matapos bumilis ang pagsipa ng presyo ng bilihin nitong buwan ng Abril na naitala sa 3.8 percent mula sa 3.7 percent noong Marso.
Ayon kay Salceda, pasok pa rin sa target ang headline inflation ngunit lubhang masakit para sa mga mahihirap na pamilya kaya kailangang tutukan ang pagtugon sa suliranin sa bigas.
Sa katunayan, lahat aniya ng major commodities ay nakapagtala ng single digit na inflation rate maliban sa bigas.
Paliwanag nito, mapabubuti ng amendments sa RTL ang pangangasiwa sa 29 billion pesos na tariff revenues mula sa rice imports upang matulungan ang mga lokal na magsasaka at consumer.
Idinagdag pa ng kongresista na bagama’t patuloy na bumabagal ang paggalaw ng presyo ng mais, bumibilis naman sa industriya ng poultry na posibleng maramdaman ngayong Mayo.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, nagsilbing main drivers sa bahagyang pagtaas ng inflation rate ang food at non-alcoholic beverages na naitala sa 6 percent.