Naniniwala si House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd distrcit Rep. Joey Salceda na malaki ang magiging pakinabang ng Pilipinas sa matagumpay na bid para maging host ng Loss and Damage Fund (LDF) Board sa ilalim ng UN Framework Convention on Climate Change.
Inihayag ng ekonomistang mambabatas na daan ito para magkaroon ng access ang Pilipinas sa financial resources na magpopondo sa mga hakbang ng Pilipinas kaugnay sa climate change adaptation and mitigation.
Ayon sa Kongresista, bilang kauna-unahang Asian co-chair ng UN Green Climate Fund, matagal ng ipinaglalaban ng ating bansa ang prinsipyo ng loss and damage na dapat tapatan ng kompensasyon.
Paliwanag pa ni Salceda, hindi maiiwasan ang pagkawala o pinsala bunga ng climate change kaya dapat papanagutin ang mga malalaki at industriyalisadong mga bansa sa idinulot nila sa mga climate-vulnerable communities.
Sinabi ni Salceda, ang Pilipinas ay may taglay na moral ascendancy sa usapin ng climate change dahil tayo ay isa sa mga bansa na higit na apektado nito bukod sa maituturing din tayong global leader sa disaster risk reduction at climate change adaptation.