-- Advertisements --

Naniniwala si House Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda na tama lamang na muling ibalik ang operasyon ng isa sa giant broadcast network sa bansa na pinasara limang taon na ang nakakalipas.

Inihain ni Salceda ang House Bill No 11252 para ikunsidera ang pag renew sa franchise ng ABS-CBN.

Sinabi ni Salceda batay sa mga naging paglilinaw mula sa mga concerned agencies gaya ng Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue, walang nilabag sa ownership restrictions ang network at walang pending tax liabilities.

Sa isang panayam sinabi ni Salceda na siya ay naniniwala na kailangan may kompetisyon para magkaroon ng dagdag boses sa pagbabalita lalo at mahalaga ito sa panahon ng kalamidad.

Kumpiyansa si Salceda na maaaprubahan ang nasabing panukala.

Nilinaw din ng ekonomistang mambabatas na walang sinuman ang nag utos sa kaniya para maghain ng panukalang batas.

Aniya sarili niya itong desisyon.

Itinanggi naman ni Salceda na may basbas mula kay Speaker Martin Romualdez ang kaniyang naging hakbang.