-- Advertisements --

Nagpasalamat si House Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda sa economic managers at sa MUP agencies na suportado ang pagpasa sa MUP Pension Reform Act na inaprubahan na ng Kamara sa third and final reading.

Ayon kay Salceda, masaya na ang mga MUP agencies sa nasabing reporma at malaki rin ang magiging improvement sa fiscal position ng bansa.

Aniya, natugunan nila ang tatlong garantiyang ibinigay nila kapalit ng sakripisyong handang gawin ng MUP para sa reporma gaya ng garantisadong pagtaas ng suweldo, garantisadong pagtaas ng pensiyon, at garantisadong pagkukunan ng pondo.

Ipinunto ni Salceda na ito ay isang social compact, sa pagitan ng mga ahensya ng MUP, ng mga nagbabayad ng buwis na kinakatawan ng economic team, at ng mga tao sa pangkalahatan na pinamamahalaan ni Speaker Martin Romualdez sa tagubilin ng Pangulo.

Ibinunyag din ni Salceda na maging ang mga retirado ng MUP, mga nasa active service ay nagsabi na ang nasabing MUP Pension Reform Bill ay maituturing na “isang morale boost.”

Binigyang-diin din ng Pangulo sa pinakahuling Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting na kailangan ng bansa ang repormang ito.

Pinasalamatan din ni Salceda si Senator Jinggoy Estrada, ang kaniyang Senate counterpart na naghain din ng panukalang batas na katanggap tanggap din.

Umaasa si Salceda na magkakaroon ng iisang version sa nasabing panukalang batas ang Kamara at Senado.

“I would also like to thank President Ferdinand Marcos, Jr. and Speaker Romualdez for the trust and confidence,” dagdag pa ni Salceda.