Tiniyak ni House Ways and Means Chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Salceda na ituloy nito ang isinusulong na reporma ng Military and Uniformed Personnel o MUP pension system.
Ito ay sa kabila ng pagkwestiyon ni Department of National Defense o DND Sec. Gilbert Teodoro sa “substitute bill” ng MUP pension system reform na inaprubahan ng House Ad Hoc Committee na pinamumunuan ni Salceda.
Ayon kay Salceda ang lahat, kasama ang DND, ay nabigyan ng pagkakataon para ihayag ang kanilang komento, sa pagdinig man o sa pamamagitan ng “transmited statements” sa komite.
Iginiit ng mambabatas, ang panukalang reporma ng MUP pension ay ibabatay sa prinsipyo ng kapwa pakinabang at pinagsasaluhang sakripisyo. At ang “constitutional implications” ng reporma ay napag-aralang mabuti mula sa Legal Affairs and Parliamentary Counselling units ng Kamara.
Paalala ni Salceda, mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang nagsabi na may pangangailangan na masolusyon ang isyu ng MUP pension at ang bagay na ito ay ilalaban aniya ng Kapulungan.
Batay sa isang pahayag, sinabi ni Teodoro na hindi siya pabor sa “mandatory contribution” ng military personnel lalo na sa mga nakakumpleto ng 20 taong pagseserbisyo.
Dagdag pa ni Teodoro na wala aniyang dapat mabago sa pensyon at entitlement ng mga nagretiro sa militar at dapat manatili ang 100% indexation, o pagsabay ng pagtaas ng pensyon sa pagtaas ng sahod ng mga aktibo sa serbisyo.
Inihayag ni Teodoro, ang dagdag-pasanin sa mga sundalo sa pamamagitan ng itinutulak na pension scheme ay makaka-apekto sa pagtupad ng kanilang misyon.