Nananawagan si House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda sa mga oil companies na huwag samantalahin ang pagpapasabog kamakailan sa dalawang oil facilities sa Saudi Arabia para itaas naman ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Hinamon ni Salceda ang mga oil firms na patunayan ang sinasabing na mas mahal na ngayon ang produktong petrolyo sa kanilang imbentaryo.
Sakali kasing matukoy na murang langis pa ang ibinibenta nang nagpatupad ng bigtime oil price hike ang mga kompanya ng langis, iginiit ni Salceda na maituturing itong “profiteering.”
Sa ngayon kasi, sinabi ng kongresista na bumabalik na sa normal range ang presyo ng mga produktong petrolyo.
“We will make sure they pay the proper taxes on those windfall,” ani Salceda.
Kinuwestiyon naman din nito ang mga pahayag ng mga opisya ng DOE na nagdadagdag lamang sa aniya’y “climate of panic” sa sitwasyon sa ngayon.
Ang dapat na gawin aniya ng pamahalaan sa kasalukuyan ay gawin ang lahat ng paraan sa pagpapanatili ng sapat na oil supply at matatag na presyo ng mga produktong petrolyo.
“The rest is a source of amazement to policymakers,” dagdag pa nito.