Inasahan na ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang paghupa ng inflation rate sa 1.8 percent nitong buwan ng Marso.
Sa isang pahayag sinabi ni Salceda, hindi na gaanong ramdam ang price pressures sa bigas at iba pang key commodities kumpara noong nakaraang taon.
Ayon sa ekonomistang mambabatas, sa katunayan, bumaba aniya ang presyo ng bigas ng 7.7 percent year-on-year na dulot umano ng mga hakbang ng Murang Pagkain Supercommittee sa Kamara.
Subalit nagpahayag naman ng pangamba si Salceda sa pagtaas ng presyo ng karne lalo’t sumipa ito ng 8.2 percent habang nagmahal din ang presyo ang isda.
Ipinunto ni Salceda na magkakaroon ng epekto ang presyo ng karne sa nutritional balance na pinamumuhunan ng mga karatig-bansa.
Gayunman, asahan umano ang pagbaba ng presyo sa susunod na taon dulot ng mais na nagsisilbing “forward indicator”.
Dagdag pa ng kongresista, dapat ipagpatuloy ang paghahanap ng solusyon sa presyo ng gulay, karne at isda na siyang tutukoy kung magkakaroon ng malusog na workforce na may kakayahan at kayang lampasan ang pabagu-bagong global economy.
Kabilang na rito ang ipinataw na taripa ni US President Donald Trump at ang nagpapatuloy na overseas conflicts.