Inihayag ni House Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na may trabaho pang gagawin ang “Murang Pagkain House Panel o ang Quinta Committee” sa kabila ng magandang balita sa pagpasok ng November inflation rate na nasa 2.5 percent.
Ayon kay Salceda, mananatili na sa target range na 2 hanggang 4 percent ang inflation at magsisilbing pagkakataon para sa paglago at pagpapahupa ng presyo ng pagkain sa susunod na taon.
Kung titingnan aniya ang month-on-month inflation rate, nasa downtrend ang presyo ng bigas at mais dulot ng paghupa ng pressure sa grains world market.
Ibig sabihin, mararamdaman na umano ang pagbaba ng presyo lalo’t ipinatutupad na ang reduced tariffs sa rice imports at mabilis na bumababa ang world prices.
Paliwanag ni Salceda, nasa 11 percent ang ibinaba ng presyo sa world market at kung susuriin ang share ng imports sa total supply ng Pilipinas ay dapat makaapekto ito sa market price ng one-third.
Giit pa nito, dapat nasa 40 pesos na ang retail price ng kada kilo ng bigas dulot ng pagbaba sa world price at ang tariff rate.
Sa Indonesia ay problema rin umano partikular sa isyu ng transport cost, logistics, sufficiency at maluwag na borders ngunit bumaba ang presyo ng bigas sa 44 pesos kada kilo sa retail level.
Ipinunto ng kongresista na dahil dito ay dapat bumagsak sa hanggang -2.2 percent ang year-on-year rice inflation habang ang November inflation ay nasa 1.6 percent lang.
” Next week, we will be calling in the top rice importers. Landed price of imported rice has declined to about P36, all tariffs and fees included. Considering current farmgate prices, domestically-milled rice should also be at around P35-36 per kilo. So, players in the domestic rice trade sector are making as much as P14 per kilo in argins. There must be a way to bring this down,” pahayag ni Salceda.