-- Advertisements --

Naniniwala si House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Salceda na marami pang dapat gawin ang gobyerno kahit natanggal na ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force o FATF.

Ayon kay Salceda isang ekonomista, kailangang magkaroon tayo ng batas para mapigilan ang bulk cash smuggling o pagpuslit ng malakihang halaga ng salapi gayundin ang pag-alis sa absolute bank secrecy.

Binigyang-diin ni Salceda mahalagang ma-amyendahan ang bank secrecy law dahil hadlang ito sa lubos na implementasyon ng awtomatikong palitan ng impormasyon sa pagitan ng tax jurisdictions ng mga bansa.

Kumpiyansa ang ekonomistang mambabatas na sa oras na maayos ito ay mahuhuli na ang mga Pilipino na nagtatago sa ibang bansa upang takasan ang pagbabayad ng buwis sa Pilipinas gayundin ang mga foreign tax evaders na dito naman sa Pilipinas na nagtatago.