Ipinahayag ni Albay Representative Joey Salceda na sa congressional hearing dapat talakayin ang anumang alegasyon o isyu laban sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN Corporation.
Ayon kay Salceda, hindi hiniling ng network sa liderato ng Kamara na pagkalooban sila ng prangkisa.
Inihain umano niya ang panukalang batas dahil ito ang tamang pasya lalo’t co-author na siya ng ABS-CBN franchise noon pang 2019.
Nagkataon aniya na hindi siya miyembro ng House Committee on Legislative Franchises bagama’t nagbigay siya ng mga pananaw sa ginawang talakayan.
Ipinaliwanag din ng kongresista na kinumpirma na ng Bureau of Internal Revenue noong 18th Congress na walang nakabinbing tax deficiencies ang kumpanya.
Bukod dito ay wala umanong pending case sa Securities and Exchange Commission patungkol sa foreign ownership samantalang naisabatas ang Public Service Act at amiyenda sa Foreign Investment Act matapos mabasura ang franchise renewal.
Punto pa ni Salceda, sa tulong ng mga naturanag batas ay mayroong sapat na mekanismo para i-review at itama ang isyu sa foreign ownership.