LAOAG CITY – Naharang ng mga autoridad ang isang Technical Technical sales representative ng Northern Prime Trading Corp. na si Vilbert Asuncion, 31 taong gulang, residente sa Brgy. Sta. Cruz sa bayan Badoc at ang driver na si Rheygie D.Colong, 25, residente ng Pacifico sa bayan ng Marcos, matapos makitaan na nagbebenta ng pekeng pataba sa Brgy. Buyon sa bayan ng Bacarra na malapit sa Bislak River dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon sa kanya, nagtatrabaho lamang siya sa Northern Prime Trading Corporation sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Inamin niya rin na na-revoke ang lisensya ng kumpanya dahil nalamang nagbebenta ito ng mga pekeng pataba.
Ang mga nasamsam na pataba, liquid fertilizer at iba’t ibang klase pa ng pataba ay nagkakahalaga ng P40,000.
Sinabi niya na ihahatid nila ito sa mga bayan ng Sarrat, Marcos, Dingras lalo na sa mga bayan ng Bacarra at Badoc.
Gayunpaman, ipinangako ni Asuncion na hindi na sila magbebenta pa ng mga pekeng pataba dahil alam nila na ito ay labag sa mga patakaran ng gobyerno lalo na sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Fertilizer and Pesticide Authority Provincial Director Noel Tablada ay mahigpit nilang binabantayan ang naturang kumpanya.
Aniya, mula noong Marso ay mayroong mandato ang Department of Agriculture lalo na sa nasabing ahensya na ang mga nilalako na pataba at pestisidyo ng Northern Prime Trading Corporation ay ilegal.
Idinagdag niya, na dati na silang may nakumpiska na iba’t ibang mga tatak ng pataba na ibinebenta sa mga magsasaka dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Dagdag pa niya na magsasampa sila ng reklamo laban sa nasabing kumpanya.
Samantala, ang naturang salesman at driver ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police sa bayan ng Bacarra upang maproseso ang kaso na maipipila laban sa kanila.