ILOILO CITY – Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga kandidato na ilabas ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Robredo, sinabi nito na nararapat na ipaalam ng mga kandidato ang kanilang mga ari-arian upang mawala ang duda ng publiko na magnanakaw ang mga ito ng pera sakaling mahalal sa pwesto.
Ayon kay Robredo, maliban sa mga kandidato, nararapat rin na ilabas ng mga incumbent na opisyal ng gobyerno ang kanilang SALN.
Sa pamamagitan nito, malalaman kung tumaas ang yaman ng mga opisyal ng gobyerno habang nakaupo sa pwesto.
Pabor rin si Robredo na parusahan ang mga opisyal ng gobyerno mataas man o sa mababang posisyon sakaling mapatunayang guilty sa pandarambong.