-- Advertisements --

Tila palaisipan kay Senadora Imee Marcos ang salungat na posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ni Executive Secretary Lucas Bersamin kaugnay sa desisyon kung padadaluhin o hindi ang mga miyembro ng gabinete sa pagdinig ng Senado ukol sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sinabi kasi ni Pangulong Marcos na hindi niya pipigilan ang mga miyembro ng gabinete o mga kalihim kung ipatatawag sila upang dumalo sa imbestigasyon kaugnay sa pagkakaaresto sa dating pangulo. 

Ngunit kahapon, kinumpirma ni Senadora Imee, base sa letter na ipinadala ng malakanyang, hindi na dadalo ang mga inimbitahang cabinet members sa pagdinig ngayong Abril 3. 

Giit ng presidential sister, kaninong utos daw ba ang susundin gayong hindi nagtutugma ang sinasabi ng pangulo at ng executive secretary. 

Dagdag ng senadora, hindi dapat magkaroon ng kalituhan sa pamahalaan pagdating sa usapin ng transparency at accountability. 

Para saan pa aniya ang salita ng pangulo kung hindi naman susundin. 

Sa gitna ng isyu, nananatili raw ang tanong kung ang direktiba ba ng pangulo ang masusunod, o kung may ibang kapangyarihang nagtatakda ng mga hakbang sa loob ng administrasyon.

Gayunpaman, dumalo man daw o hindi ang mga cabinet members na kanilang inimbitahan, tuloy ang pagsisiyasat ng kanyang komite. 

Una rito, nakapagpalabas na ng kumprehensibong findings si Senadora Marcos

Sinabi ni Marcos na hindi nasunod ang due process sa ginawang pag-aresto kay Duterte at mismong si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang nagsabi na walang kinuhang warrant of arrest sa kahit na saang korte sa bansa.