-- Advertisements --

Nilinaw ni Pinoy boxer Eumir Felix Marcial na walang namamagitang gusot sa pagitan nila ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).

Pahayag ito ni Marcial matapos ang kumakalat na haka-hakang may hidwaan umanong namamagitan sa dalawang panig.

Ayon kay Marcial, mataas ang kanyang respeto kina ABAP president Ricky Vargas at secretary general Ed Picson.

“Alam ko na hangad nina Mr. Vargas at Sir Ed ang kabutihan para sa akin, kanilang pag-aaralan ang mga alok, at ilalatag nila sa akin ang mga iyon at nasa akin pa rin ang huling desisyon,” wika ni Marcial.

Giit ng Olympic-bound pugilist, kasama niya sa pag-angat ng kanyang amateur boxing career ang ABAP kaya hindi niya raw kailanman naisip na sirain ang maganda nitong relasyon sa asosasyon.

Pero umamin si Marcial na humihingi siya ng payo sa ilang mga eksperto para sa kanyang balak na pagpasok sa mundo ng professional boxing.