Nanindigan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pansariling opinyon lamang ang mga pahayag ni program director Tab Baldwin na ikinagalit ng mga PBA at local coach.
Ayon kay SBP president Al Panlilio, anuman ang sinabi ni Baldwin ay hindi ito kahalintulad ng kanyang saloobin at ng kanilang pederasyon.
Matatandaang ikinagalit ng maraming mga coach ang mga pahayag ni Baldwin kamakailan kaugnay sa kultura ng coaching sa bansa na kanyang nadatnan.
Dahil dito, sinabi ni PBA commissioner Willie Marcial na kanilang paparusahan si Baldwin, na nakatala bilang assistanct coach ng TNT KaTropa, kaugnay sa mga krisismo nito sa one-import conference ng liga at officiating sa pagitan ng mga lokal na players at imports.
Samantala, bagama’t hindi pinanigan ng SBP si Baldwin sa isyu, naniniwala si Panlilio na magagawa ng Ateneo coach na makaalpas sa isyu.
Iginiit din ni Panlilio na nananatiling matatag ang samahan ng SBP at PBA sa kabila ng kontrobersya.