-- Advertisements --
Hidilyn Diaz
Weightlifter Hidilyn Diaz/ FB image

VIGAN CITY – Mahigpit umanong pagsasanay sa China ang isinasagawa ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas sa mga 11 atleta na sasabak sa 30th Southeast Asian Games na isasagawa sa bansa ngayong taon.

Sa mga nasabing atleta umano maaaring manggaling ang susunod na Hidilyn Diaz ng bansa na kalaunan ay magreretiro rin sa pagiging weighlifter.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni SWP President Monico Puentevella na pinapayuhan umano niya ang mga bagong tuklas na atleta sa weightlifting na huwag nilang pansinin ang nangyayaring gusot sa Philippine Olympic Committee nang sa gayon ay hindi maapektuhan ang kanilang pagsasanay.

Maliban dito, nais din ni Puentevella na tutukan ng mga atleta ang kanilang pagsasanay sa China nang sa gayon ay makakuha sila ng gintong medalya para sa Pilipinas sa darating na SEA Games pati na sa 2020 Tokyo Olympics.

Kaugnay nito, muling hinimok ng dating POC chairman ang kaniyang mga kasamahan sa komite na ayusin na ang gusot sa kanilang hanay at tutukan na lamang ang SEA Games na isasagawa sa bansa.

Una nang nagpahayag ng pangamba ang opisyal na kung hindi maaayos ang gusot sa POC, posibleng kanselahin ng International Olympic Committee ang hosting ng Pilipinas sa nasabing palaro na hindi maganda sa imahe ng Pilipinas sa international community.