DAVAO CITY – Nagdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Island Garden City of Samal, sa Davao del Norte dahil sa nararanasang krisis sa kuryente sa buong lungsod.
Sa opisyal na pahayag na inilabas ng 9th City Council kahapon, nanawagan ang IGACOS LGU ng tulong mula sa gobyerno at iba pang kaukulang ahensya upang maisagawa ang mga hakbang upang maisaayos ang suliranin ng mga residente sa kuryente.
Ayon pa riyan, hindi sapat na ibalik ang suplay ng kuryente sa pamamagitan ng submarine cable na naka-install sa isla, kaya maaring bumili ang LGU ng modular generator sets bilang solusyon sa kawalan ng kuryente.
Alinsunod sa CDRRMC Resolution no. 8 series of 2023, bibili ang IGACOS LGU ng generator sets na nagkakahalaga ng P8.1 milyon na kukunin mula sa Quick Response Fund ng isla.
Aprubado rin ng konseho ang gagawing procurement ni Mayor Al David Uy sa pagbili ng kinakailangang generator sets upang maibsan ang suliranin sa kuryente sa naturang lungsod.
Pananagutan din ang mga opisyal ng Northern Davao Electric Cooperative o NORDECO sa naranasan na krisis sa kuryente.
Matatandaan na hiniling ng LGU na ilipat ang franchise area ng NORDECO sa Davao Light and Power Company dahil sa mga reklamo ng kanilang mga consumer.
Sa katunayan ay na-VETO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon ang mga ipinapanukalang house bills ng iilang mga kongresista na naglalayong mapunta sa Davao Light ang franchise area ng NORDECO dahil sa hindi makatarungang serbisyo nito sa kanilang mga myembro-konsumante.