Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko na humabol na sa mga local office ng komisyon n ngayong araw kasabay ng pagtatapos ng registration period para sa May 2025 Elections.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, maaaring humabol ang mga botante sa anumang aplikasyon tulad ng pagpapa-rehistro, pag-transfer ng presintong pagbobotohan, at re-activation para sa mga hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Kasama rin dito ang magpapalit ng pangalan dahil sa pag-aasawa, pagpapalit ng status mula sa pagiging OFW tungo sa pagiging local voter, atbpa.
Bukas aniya ang mga opisina ng komisyon at maaaring mag-extend pa ang mga ito depende sa dami ng mga hahabol na magpaparehistro, tulad ng kalimitang nangyayari.
Ayon kay Laudiangco, inaasahan ng komisyon ang mahaba-habang pila ngayong araw sa kabila ng mahabang panahon na binuksan ang registration na nagsimula pa noong Pebrero.