TACLOBAN CITY – Hinatulang guilty ng Sandiganbayan Fourth Division si Samar 2nd District Rep. Milagrosa Tan sa kasong graft dahil sa maanomalyang pagbili ng P16.1-milyong halaga ng emergency supplies noong taong 2001.
Sa desisyong inilabas ng Fourth Division, sinintensiyahan si Tan ng 15 taong pagkakakulong sa walong bilang ng paglabag sa Sec. 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod sa prison terms, kasama rin sa desisyon ng korte ang pagbabawal kay Tan na humawak ng ano mang opisina sa gobyerno.
Samantala, sa ngayon ay pending pa rin ang magiging desisyon nito tungkol sa candidacy ni Tan bilang Governor ngayong midterm elections.
Hinatulan ring guilty ang mga kapwa akusado ni Tan na sina Rolando Montejo at Reynaldo Yabut na mayroon ding parehong prison terms.
Napawalang-sala naman sina Romeo Reales, Maximo Sison at Numeriano Legaspi dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon kay Division Chairperson Associate Justice Alex Quiroz, may karapatan ang mga akusado na maghain ng apela pero ipinag-utos rin nito sa mga ito na magbayad ng karagdagang piyansa na P240,000.
Nag-ugat ang naturang kaso dahil sa pinaniniwalaang pananamantala ni Tan sa kanyang posisyon bilang provincial governor sa pagbili nito ng mga gamot at dental supplies mula sa Zybermed Medi Pharma na pagmamay-ari ng private respondent na si Rosely Larce.
Giit ng prosekusyon, wala itong lisensya na mag-operate sa Catbalogan City Samar.