-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Nahaharap na sa karampatang kaso ang naarestong apat na pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nasa likod ng pang-aatake sa Victoria, Northern Samar Municipal Police Station.

Sa nasabing insidente, tatlong rebelde ang patay habang dalawang pulis ang sugatan.

Ayon kay Pol. Lt. Col. Rafael Tayaban, tagapagsalita ng Northern Samar Police Provincial Office, sa kanilang isinagawang press conference ay nilinaw mismo ng University of Eastern Philippines (UEP) na walang record sa kanilang unibersidad ang isa sa mga naarestong suspek na una nang naireport na isang criminology student.

Isinalaysay din ng naturang rebelde na si alyas Andon na hanggang Grade 4 lang ang kanyang natapos at walang katotoohan na siya ay estudyante ng UEP.

Samantala, sa tatlong iba pang nahuling NPA, isa sa mga ito ang babae na tumangging magpakilala at pawang “Don’t force me or I will kill you” lang ang sinasabi.

Sa ngayon ay balik na sa normal ang buong bayan ng Victoria pero nasa full alert status pa rin ang kapulisan at kasundaluhan sa lugar upang masiguro ang kapayapaan ng buong komunidad.