-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Naiibang karanasan at espesyal ang maging kinatawan ng Pilipinas sa isa sa mga event ng 2019 South East Asian (SEA) Games, ang nararamdaman ng sambo gold medalist na si Mark Striegl.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi niya ang kanyang paglalakbay mula sa pagiging mixed martial arts (MMA) fighter hanggang sa pagiging miyembro ng national sambo team ng Pilipinas.

Aniya, napakalaking karangalan ang maging opisyal na kinatawan ng national team sa SEA Games kahit pa sa mga laban niya sa professional MMA ay lagi na niyang dala-dala ang bandera ng Pilipinas.

Sumailalim si Striegl sa apat na buwang mahigpit na pagsasanay sa ilalim ni head coach Jerry Legaspi na nang-recuit sa kanya sa sambo national team.

Kahit naging maayos ang kanyang training, nagkaroon ito ng sinusitis noon pang isang linggo kaya naka-antibiotics ito bago ang kanyang laban kagabi.

Gayunman, sinabi niya na isa lamang ang kanyang sakit sa mga kailangan niyang i-overcome kaya ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para ipanalo ang laban kontra sa atleta ng Singapore sa iskor na 8-0 sa men’s sambo 74-kg category.

Inamin pa ni Striegl na nahirapan siya sa pag-adjust sa sambo na isang combat sport sa Russia mula sa pagiging professional MMA dahil sa sambo ay may uniporme na hindi niya nakasanayan sa MMA.

Aniya, talo siya sa South Korea sa kanyang kauna-unahang overseas fight sa sambo kaya lalo pa niyang hinigpitan ang kanyang pagsasanay.

Umaasa rin ang sambo gold medalist na mapagsabay niya ang kanyang pagiging sambo athlete at ang pagiging professional MMA dahil makakatulong ang sambo sa pagpapaganda pa ng kanyang fighting style sa MMA lalo na sa judo.

Iniaalay pa nito ang kanyang panalo sa biennial event sa Pilipinas at sa lahat ng sumusuporta sa kanya.