Makukulong na ng 10 hanggang 15 taon ang same-sex couples sa Iraq matapos magpasa ng bagong batas ang naturang bansa na nagbabawal sa homosexuality.
Inamyendahan din nito ang kanilang 1988 anti-prostitution law kung saan makukulong din ng hanggang pitong taon ang sinumang magpo-promote ng homosexuality.
Habang ang transgender at doktor naman na magsasagawa ng gender reassignment surgery ay makukulong hanggang tatlong taon maliban sa mga pasyenteng kinakailangan ng medical intervention.
Samantala, hindi naman ito ikinatuwa ng human rights groups at international diplomats.
Para kay US State Department spokesperson Matthew Miller, ang bagong batas ng Iraq ay maaaring magamit para hadlangan ang free-speech at expression. Binalaan niya rin ang bansa na maaari itong magbunga ng paglayo ng foreign investment lalo na’t ilang international business coalitions na rin ang nagpaabot ng pangamba na ang diskriminasyong ito ay makapipinsala sa economic growth ng bansa.
Tinawag naman itong “dangerous and worrying” ni British Foreign Secretary David Cameron.
Subalit ipinagtanggol naman ng mga opisyal ng Iraq ang naturang batas at sinabing kailangan nila ito upang malinang ang societal values.
Ayon sa acting parliamentary speaker ng Iraq, wala umanong lugar ang homosexuality sa Iraq at ang bagong batas na ito ay upang protektahan ang moralidad ng bansa lalong-lalo na para sa mga bata.
Nagpahayag din ng matinding pagtutol ang organisasyon na Human Rights Watch dahil ito raw ay pag-atake sa karapatang pantao ng mga taga-Iraq lalo na ang karapatan nitong hindi makaranas ng diskriminasyon.
Ayon pa sa inilabas na ulat ng naturang organisasyon noong 2022, inakusahan nito ang mga armadong grupo ng Iraq ng panggagahasa, pag-torture, at pagpaslang sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Dagdag pa nito, palpak umano ang pamahalaan ng Iraq sa pagpapanagot sa mga suspek ng mga pang-aabuso laban sa LGBT.