-- Advertisements --

Kinumpirma ng Mandaluyong Police na lehitimong estudyante ang babaeng nagbibenta ng sampaguita sa tapat ng mall sa Mandaluyong na sinipa at tinaboy ng security guard.

Ayon kay Mandaluyong Police Chief PCol. Mary Grace Madayag, nakausap na nila ang babae at nakumpirma nilang hindi ito miyembro ng sindikato at totoong nag-aaral pa lang.

First year medtech student at isa raw scholar ng private institution ang babae at 18 taong gulang na tumutulong lang sa magulang nito na maghanap buhay dahil kade-demolish lang ng kanilang bahay sa Quezon City.

Paliwanag daw ng babae, kaya siya nakasuot ng highschool uniform ay dahil dati niya itong uniporme at ginawa niya nang pambahay. Pagkatapos daw ng klase niya sa Quezon City ay dumidiretso na siya sa Mandaluyong para magbenta ng sampaguita dahil doon malakas ang kita.

Samantala, nakausap na raw ng abogado mula sa Commission on Human Rights ang estudyante para sa legal consultation at pinag-aaralan na ng kampo nila kung sasampahan pa ng kaso ang security guard na nanira ng kaniyang paninda at nanakit.

Maliban pa sa security guard, pinag-aaralan na rin kung sasampahan ng kaso ang uploader ng video online.

Ayon kay Madayag, may inisyal na silang impormasyon sa kumuha ng video at napag-alamang December 17 pa pala nangyare ang insidente.