MANILA – Isinailalim na sa “genome sequencing” ang samples ng mga Pilipinong crew ng MV Athens Bridge na nag-positibo sa COVID-19.
Ang genome sequencing ay ang proseso ng pagtukoy sa identity ng virus.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula sa 12 crew na nag-positibo sa coronavirus, siyam lang ang naging kwalipikado para sa nasabing proseso.
Mayroong travel history mula sa bansang India ang cargo ship. Sa naturang bansa rin unang natagpuan ang B.1.617 variant ng COVID-19, na sinasabing mas nakakahawa at kayang labanan ang bisa ng mga bakuna.
“Yung dalawa ay mataas na ang CT (cycle threshold) value. Ibig sabihin the individuals might be on that recovery stage already, may isa na magre-reswab tayo kasi may contamination yung specimen,” ani Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, patuloy namang mino-monitor ng ahensya ang mga confirmed cases na may mataas na CT value.
“Kapag mataas na ang CT value ng isang tao sa kanyang laboratoryo, ibig sabihin sila ay recovered na.”
“It has to be correlated with their clinical history. Itong mga galing ng India, this has been those periods na April1 to 30, so medyo matagal na rin ang ating binibilang na panahon. Nakatapos na sila ng quarantine procedures at nung binalikan natin sila, ganito na yung level ng CT value nila.”
Sa ngayon naka-admit pa raw sa ospital ang apat, habang walo ang nasa quarantine facility.
Samantala, sinabi ni Vergeire na mataas din ang CT value ng tatlo mula sa limang biyahero na nag-positibo at galing ng India noong Abril.
Batay sa datos ng DOH, may 155 biyaherong may travel history sa naturang bansa noong Abril at bumiyahe papuntang Pilipinas.
“Ang isa ay na-sequence na natin at lumabas na A lineage, this is a non-concern, not part of the variants that we are monitoring and guarding against.”
“Yung isa ay currently nandoon sa Philippine Genome Center at kasamang nira-run (kasama ng samples) ng MV Athens Bridge crew.”