Sa ginawang preliminary laboratory test ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa magkasintahang Chinese national na unang kaso ng 2019 Novel-CoronaVirus sa Pilipinas, nakitaan ng senyales na posibleng positibo sa sakit ang babaeng dayuhan.
Kaya umano kabilang ito sa anim na samples na unang ipinadala ng Department of Health sa Australia para sa confirmatory testing.
“Nung ipapadala na yung anim (samples) nakalista na kung alin, kaya nga lang nakita yung resulta nitong dalawa, mas malaki ang chance na mas positive yung sa babae. Sa lab results lang, hindi kasama yung clinical findings,” ani DOH Usec. Eric Domingo.
“Ang mga resulta nung sa babae parang mas suggestive of nCoV. Mayroong nakitang parts noong virus na possible na coronavirus.”
Nitong Linggo nang ianunsyo ng DOH na namatay dahil sa nCoV ang 44-anyos na kasintahang lalaki ng Chinese woman, na noong una’y natukoy lang na may lagnat.
Ang resulta ng test nito ay galing sa tinayong lab facility sa RITM. Hinihintay naman ang counter-test nito mula Australia.
Apat na araw mula nang dumating ang magkasintahan sa bansa noong January 21, natukoy na may pneumonia ang lalaki.
“Hindi siya tinest kinasabay noong first confirmed case. Yung sa lalaki dito tinest sa RITM tinest pagka-set up ng labs natin. Yung babae inuubo lang, yung lalaki nilalagnat.”
“Parang last three days medyo stable yung pasyente (lalaki) kaya lang biglang nag-deteriorate yung kanyang condition. Of course gumagawa pa rin naman sila ng clinical audit ngayon sa ospital para mas i-examine yung nangyari at intindihin.”
Sa ngayon patuloy ang contact tracing ng DOH Epidemiology Bureau sa mga pasaherong nakasabay ng dalawang Chinese sa kanilang biyahe dito sa bansa.
Nasa 74 na raw kasi ang kanilang natunton at napaalalahanan.
Ang walo naman dito napabilang na sa lumubo pang bilang ng patients under investigation na ngayon ay nasa 80 na, dahil sa kanilang close contact sa mag-nobyong Chinese.
May 67 PUI pa ang naka-admit sa mga pagamutan, habang nakauwi na ang 10.
“As a protocol and standards, yung babaeng na iniulat natin nung una na first case of nCoV, hindi pa rin natin paalisin dahil hangga’t hindi nasa-satisfy yung two negative test results, tsaka lang natin siya pwedeng paalisin,” ani Sec. Francisco Duque III.
“It’s very clear and I categorically state that two imported cases, ours (is) zero transmission (via community).”