Sampung flight crew ng Philippine Airlines (PAL), maaaring mapatawan ng disciplinary sanctions matapos silang mahuli na nagdadala ng mga hindi idineklarang prutas at gulay mula sa Riyadh at Dubai.
Ayon sa Bureau of Plant Industry napag-alamang nagdala ang mga tripulante ng sibuyas, lemon, at strawberry.
Sinabi pa ng ahensya na kailangang magpakita ng import permit at phytosanitary permit sa pagdadala ng mga agricultural items sa nasabing paliparan.
Gayunpaman, hindi naipakita ng nasabing sampung flight crew ang mga dokumentong ito.
Tinangka umano ng mga tripulante na sirain ang mga produktong pang-agrikultura nang malaman nilang kukumpiskahin ang mga ito.
Sinabi ng Philippine Airlines na nagsasagawa na ito ng imbestigasyon sa naturang insidente.
Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Airlines na si Ma. Cielo Villaluna sa isang pahayag, iniimbestigahan na nila ang insidente na kinasasangkutan ng sampung tripulante na napag-alamang may bitbit na mga hindi ideklarang gulay at prutas sa kanilang mga bagahe matapos lumipad mula sa Riyadh at Dubai noong Enero 10.
Aniya, hindi kinukunsinti ng nasabing paliparan ang anumang paglabag sa customs regulations at magpapataw ito ng kaukulang parusang pandisiplina na napapailalim sa resulta ng mga imbestigasyon sa nasabing insidente.