Nangunguna pa rin sa mga trabahong may pinakamataas na sweldo ang pagiging Aircraft pilots at iba pang trabaho na may kaugnayan sa industriya ng Air Transport sa bansa.
Ito ay batay sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority para sa occupational wages sa taong 2022.
Sa naturang survey, aabot sa P135,363 ang buwanang natatanggap na sahod ng isang Aircraft pilots at mga trabahong may kinalaman sa Air Transport
Pumapangalawa sa survey ang mga software developers na nakakatanggap ng sahod na aabot sa P70,595 kada buwan.
Pangatlo naman ang mga mathematicians and actuaries na pumapalo sa average wage rate na P69,654 per month.
Ang trabahong ito ay may kaugnayan sa Insurance, Reinsurance at Pension Funding ayon kay Tintin Ariola, PSA Labor Standards and Relations Statistics Division OIC chief.
Pasok naman sa pang-apat na pwesto ang Production Supervisors at General Foreman na naglalaro sa P63,017 ang natatanggap na sahod kada buwan.
Sinusundan ito ng Applications Programmers na mayroong P58,643 average monthly salary.
Pang-anim sa listahan ang Specialist medical practitioners na may P57,476 na sahod habang pumapangpito naman ang statisticians na may P51,607 buwanang sahod.
Nasa listahan rin bilang pang-walo ang Medical doctors/generalist medical practitioners na sumasahod ng P51,251 kada buwan, pangsiyam ang geologists P49,059 at accountants P48,892.