-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Narekober mga otoridad ang samut-saring klase ng armas at pampasabog na pagmamay-ari ng New People’s Army sa Barangay Calmayon, Juban, Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Major Frank Roldan ang Divison Public Affairs Office (DPAO) Chief ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, nahanap ang mga armas sa tulong ng isang sumukong dating miyembro ng NPA na kinilala lamang sa alyas na Ka Gohan.

Nabatid na mahigit sa isang taon ng nakalagay ang mga armas sa isang balde na inilibing sa masukal na bahagi ng lugar.

Kabilang sa mga narekober ng mga otoridad ang isang M-1 carbine, AR-9 na baril, isang KG-9, Molotov, 350 mga bala para sa M16, nasa 10 metrong kable na gamit sa pampasabog at mga medical paraphernalia.

Dinala na ang mga armas sa himpilan ng pulisya upang maisailalim sa imbestigasyon at ng malaman kung dati na itong nagamit sa krimen.

Ayon kay Roldan, paunti-na ng paunti ang mga miyembro ng NPA kung kaya napipilitan na ang mga ito na ilibing na lang ang kanilang mga armas na wala namang gumagamit.

Panawagan naman nito sa mga miyembro ng rebeldeng grupo na sumuko at magbalik loob na sa gobyerno upang matulongan na makapagbagong buhay.