Binigyang-diin ni San Carlos Seminary Formator Fr. Leo Ignacio ang kahalagahan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno ngayong taon.
Ayon kay Fr. Ignacio, ang kapistahan ng Black Nazarene ay isang makasaysayang pagdiriwang.
Sa 1PM Mass sa Quiapo Church ngayong hapon, inisa-isa ni Fr. Ignacio ang ilan sa kahalagahan ng pagdiriwang sa Pista ng Black Nazarene ngayong araw.
Una ay naideklara ito bilang isang pambansang kapistahan na mismong ang Vatican ang nagdeklara.
Pangalawa ay ang pagbubukas ng Jubilee Year – 2025. Ang Dambana ng Itim na Nazareno aniya ay isa sa mga pangunahing dinadalaw ng mga deboto upang tumanggap ng pagpapala mula sa Diyos.
Pangatlo aniya ay ang pagpili ng Diyos sa araw na ito upang magsama-sama ang lahat ng mananampalataya upang ipakita ang kanilang pagmamahal at paniniwala sa Diyos.
Ang tema ng kapistahan ng Itim na Nazareno ngayong araw ay ‘Mas Mabuti ang Pagsunod kaysa Paghahandog sa mga Umaasa kay Hesus’.
Paliwanag ni Fr. Ignacio na nangangahulugan itong mas mabuti ang pagsunod sa kagustuhan at kalooban ng Diyos. Kalakip nito aniya ay ang mahigpit na pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga ito nang walang ‘reservation’.