-- Advertisements --

LA UNION – Lalong naghigpit sa pagpapatupad ng quarantine protocols ang pamahalaang lokal ng San Fernando City, La Union matapos sang-ayunan ng Regional Inter-Agency Task Force (IATF)-1 for the Management of of Emerging Infectious Disease ang kahilingan ni Gov. Francisco Emmanuel R. Ortega III na isailalim ang lungsod sa enhance community quarantine (ECQ).

Ito ay dahil sa biglaang pagtaas ng bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay San Fernando City Mayor Alf Ortega, sinabi nito na epektibo ngayong araw ang ECQ sa lungsod at magtatagal ito hanggang July 31.

Ayon kay Mayor Ortega, activated na rin ang lahat ng sangay na bumbuo ng local IATF upang pag-ibayuhin ang kampanya laban sa COVID-19.

Nakahanda na rin aniya ang mga ayudang ibibigay sa mga naninirahan sa lungsod na apektado ng 10 araw na ECQ.

Sabi pa ni Mayor Ortega, pansamantalang ititigil muna ng pampublikong transportasyon at ilang pribadong negosyo maliban sa mga naghahatid ng basic essentials at services sa lungsod ng San Fernando.

Umapela din ang alkalde sa mga taga-San Fernando na tumalima sa ipinapatupad na quarantine protocols upang mapiligan ang paglaganap ng COVID-19.

Sa ngayon, base sa ulat ng San Fernando City Health Office ay umaabot sa 20 confirmed cases, habang 244 suspect cases ang naitala sa lungsod.