Iniimbestigahan ng San Juan City government ang umano’y pagpapabaya sa mga alagang hayop noong kasagsagan ng pananalasa ng southwest monsoon na pinalakas pa ng Super Typhoon Carina.
Ang mga naturang hayop ay naiwan umano sa mga animal pound.
Batay sa inilabas na pahayag ng San Juan City government, layunin ng imbestigasyon na hanapin ang sinumang responsable sa pagpapabaya sa mga alagang hayop at panagutin ang mga ito batay sa itinatakda ng batas.
Pagtitiyak ng lokal na pamahalaan magiging mabilis ang imbestigasyon, komprehensibo, at transparent.
Una nang kinondena ng animal welfare group na Strategic Power for Animal Respondents (SPAR)-Philippines ang umano’y nangyaring pagpabaya o tuluyang pag-iwan na lamang sa mga hayop sa city pound noong kasagsagan ng pagbaha hanggang sa tuluyang nalunod at namatay ang mga ito.
Ayon sa grupo, ito ay isang pangmamaltrato sa mga hayop at pagpapabaya sa kanilang kondisyon.
Kabilang sa mga inilabas ng grupo na nakuha nitong larawan sa city pound ay ang mga nakakandadong aso at mga pusa na tuluyang namatay matapos malubog sa tubig-baha ang cage na kanilang kinalalagyan.