-- Advertisements --

Nagpasa ang lungsod ng San Juan ng ordinansa na nagpaparusa sa mga mamemeke o magbebenta ng kanilang pekeng COVID-19 vaccination card.

Ayon kay Mayor Francis Zamora laman ng City Ordinance 26 ang pagbabawal sa paggamit ng pekeng vaccination card, pamemeke ng mga impormasyon na nakalagay sa vaccination card.

Kasama rin dito ang pagbebenta o pag-isyu ng mga pekeng COVID-19 vaccination card sa mga hindi bakunadong indibidwal.

Lahat aniya na mahuhuli ay pagmumultahin ng P5,000 at pagkakakulong ng hanggang anim na buwan.

Kasabay din nito ay inikot ng alkalde ang mga establisyemento sa kaniyang nasasakupan para matiyak na sumusunod ang mga ito sa ipinapatupad na panuntunan sa implementasyon ng Alert Level 4 sa Metro Manila.

Mahigpit na babala ng alkalde na ang mga lalabag ay masususpinde ang kanilang negosyo hanggang matanggalan sila ng mga business permit.