Sinimulan ng San Juan City ang kanilang pagdiriwang ng National Women’s Month nitong Biyernes, Marso 7, upang muling ipakita ang kanilang dedikasyon sa pagtaas sa mga kababaihan.
Pinangunahan ng City Social Welfare and Development Department at ni Mayor Francis Zamora, ang programa na nakatuon naman sa healthcare, employment opportunities, legal assistance, at wellness services.
Kung saan ang nagsimula ang programa sa isang Zumba session sa open parking lot ng City Hall, na dinaluhan ng mga residente para sa isang masaya at malusog na aktibidad. Isang mini job fair din ang isinagawa, kung saan nakilahok ang 10 kumpanya at nagbigay ng mga oportunidad sa trabaho para sa mga kababaihang residente ng lungsod.
Isa sa mga tampok na kaganapan ng pagdiriwang ay ang medical mission na isinagawa sa Multi-Purpose Hall, sa pakikipagtulungan ng mga ospital, at mga foundation.
Inaalok ng mga ito ang libreng check-up para sa mga buntis, kabilang ang pre-natal care at ovarian cyst screening. Nagkaroon din ng mga diagnostic services tulad ng pap smear, transvaginal ultrasound, at isang
seminar ukol sa kalusugan.
Nariyan pa ang libreng Legal Assistance Desk kung saan nagbigay ang Public Attorney’s Office at Prosecutor’s Office ng libreng konsultasyon ukol sa mga isyung pam-pamilya, sa trabaho, at iba pang legal concern.
Samantala dumating din ang Philippine Statistics Authority (PSA) Mobile Services unit upang magbigay ng mga serbisyo. Nagbigay din ng libreng beauty at wellness services ang San Juan, kabilang ang mga haircut, manicure/pedicure, back massage, facial treatment, at brow shaping.
Binanggit naman ni Mayor Francis Zamora ang patuloy na commitment ng lungsod sa karapatan ng kababaihan at proteksyon ng mga bata, at sinabi na sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, patuloy na pinapalakas ng Lungsod ang karapatan ng mga kababaihan.