Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagnegatibo sa drug test ang suspek sa nangyaring hostage crisis sa lungsod ng San Juan noong Lunes.
Ayon kay NCRPO Chief PMGen. Debold Sinas, ito ay batay sa resulta ng isinagawang drug test sa hostage taker na si Alchie Paray.
Inihahanda na rin aniya ng San Juan Police ang patung-patong na kaso na kakaharapin ng suspek, na hindi rin isang dating pulis.
Sinabi naman ni Sinas, nakalatag na rin ang kanilang plano o last option sakaling hindi nagtagumpay ang negosasyon.
Kinumpirma rin ng opisyal na iniimbestigahan na rin nila kung saan at kanino galing ang baril at granada na bitbit ni Paray.
Inaalam na rin nila kung ito ay dating sundalo kaya nakikipag ugnayan sila sa kanilang counterpart sa Joint Task Force-NCR ng AFP.
Humingi naman ng dispensa si Sinas sa mga media dahil pati ang mga ito ay naging bahagi sa negosasyon.
Ayon kay Sinas, alam nila ang panganib na dulot sa pagharap sa media ng hostage taker na armado pero kumpiyansa ito na magiging maayos ang lahat.
Ani Sinas, may mga snipers mula sa PNP-Special Weapons and Tactics (SWAT) ang kanilang idineploy na siyang titira sa hostage taker sa sandaling magpapaputok ito.