Iimbestigahan ngayon ng San Juan City government ang umano’y intensyonal na pag-iwan sa mga hayop sa isang city pound noong kasagsagan ng pagsalanta ng Bagyong Carina.
Sa isang pahayag, binigyang diin ng lokal na pamahalaan ng San Juan na magiging komprehensibo, at transparent ang kanilang imbestigasyon at hindi nila papayagan ang sino man na susubukang itago ang katotohanan o iwasan ang responsibilidad.
Una nang iniulat na sa isang online post ng animal welfare group na Strategic Power for Animal Respondents (SPAR) – Philippines, na alarma ito sa naiuulat na “mistreatment” at “neglect” sa mga hayop sa San Juan City Pound kung saan hinayaan umano ang mga aso’t pusa na malunod sa baha noong kasagsagan ng bagyo.
Sa mga larawan na i-pinost ng SPAR, ilang pusa at aso ang nakitang hinayaang nakakulong habang tumataas ang tubig baha sa loob ng compound.
Sinabi rin ng naturang animal welfare group na ang San Juan City Pound ay hindi rehistradong pasilidad.
Ayon pa sa SPAR, may ilang indibidwal na ang lumalapit sa kanila para iulat na maraming hayop na ang namamatay sa nasabing pound dahil sa maltreatment kahit noong bago pa man ang bagyong Carina.
Samantala, tinitiyak umano ng San Juan LGU na hindi nila i to-tolerate ang anumang lapses sa animanl care and protection at gagawin nila ang mga kinakailangang hakbang para maiwasang maulit ang parehong trahedya.