Nagpaabot ng paumanhin ang lokal na pamahalaan ng San Juan hinggil sa mga isyu na nanggugulo, noong kasagsagan ng basaan sa katatapos lamang na Wattah-Wattah Festival noong ika-24 ng Hunyo ng taong kasalukuyan.
Ayon sa inilabas na pahayag ng City Tourism and Cultural Affairs Office ng pamahalaang lungsod ng San Juan, humihingi sila ng paumanhin sa nasabing nangyari at seryoso raw nilang tinutugunan ang lahat ng relamong ipinahahatid sa kanila.
Inilahad din nila na aktibo raw silang nangangalap ng ebidensya ng kaguluhan at ito ay kanilang sinusuri upang matukoy ang mga lumabag sa City Ordinance No. 51 series of 2018 at iba pang umiiral na batas.
Sa nasabing viral video kasi makikitang pinagkukumpulan at binabasa ng ilang mga residenteng ang mga dumadaang motorista at tila batid sa kanilang mukha na hindi ito natuwa sa ginawang pambabasa.
Maging ang mga pasahero sa jeep ay hindi rin nila pinalampas at binubuhusan din ng tubig sa loob.
Muli, taos-pusong nanghihingi ng paumanhin ang pamahalaan sa mga naapektuhan at tinitiyak nila na gagawin daw nila ang lahat ng kinakailangan nilang hakbang upang masiguro na pananagutin nila ang lahat ng mga lumabag upang hindi na raw ito maulit pa sa kanilang susunod na pagdiriwang.