-- Advertisements --
Mayor Francis Zamora
San Juan Mayor Zamora/ FB image

Hindi na kakasuhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) si San Juan Mayor Francis Zamora sa kanyang umano’y hindi pagsunod sa ipinaiiral na local quarantine protocol nang magtungo ito sa Baguio City noong nakaraang linggo.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ito’y matapos na personal na humingi ng paumanhin si Mayor Zamora kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Dahil dito, sinabi ni Año na hindi na maghahain ng reklamo si Magalong laban kay Zamora sa hindi paghinto ng kanyang convoy sa Baguio quarantine checkpoint sa nasabing siyudad.

Paliwanag pa ni Año wala din namang indikasyon na may ginawang “abuse of authority” si Zamora, maliban nalang kung lumabas sa imbestigasyon ng PNP na inutusan ni Zamora ang kanyang police escorts na lagpasan ang checkpoint.

Ayon kay Año, maaring nagkaroon lang ng miscommunication sa panig ng police escorts ni Zamora, nang dumere-diretso ang mga ito sa halip na huminto sa checkpoint.

Sumailalim din naman si Zamora at ang kanyang mga kasama sa health screening at triage protocols sa City Health Office ng Baguio City.

Tuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service duon sa mga police escort ng alkalde.