-- Advertisements --

Pinagpapaliwanag ngayon ng Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service (IAS) si San Juan City police chief, Col. Jaime Santos, matapos lumabag sa quarantine protocols ang limang tauhan nito na siyang police escort ni San Juan City Mayor Francis Zamora ng magtungo ang mga ito sa Baguio City.

Ayon kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na hindi muna sisibakin sa pwesto si Col. Santos dahil kanila munang iimbestigahan ang nasabing insidente.

Sinabi ni Gamboa, dahil sa insidente humingi siya ng dispensa sa alkalde at tiniyak na mananagot ang mga ito kapag napatunayang lumabag sa local protocols ang mga pulis.

Sinampahan na ng reklamo ni Magalong ang mga pulis, kasama sina TDCA Lt Gen. Camilo Cascolan at Col. Jaime Santos dahil sa command responsibility.

Ipinag-utos ni Gamboa sa Directorate for Operations (DO) na maglabas ng information dissemination sa lahat ng police units sa buong bansa na siguraduhing nao-observe ang mga kaukulang protocols.

Pinasisiguro rin ni Gamboa na sumusunod sa local quarantine protocols ang mga lahat ng mga police personnel.

Pagtiyak pa ng PNP na hindi nila kinukunsinti ang anumang paglabag sa health protocol lalo na kung mga police officers din ang gumagawa nito.

Aalamin din sa imbestigasyon kung bakit lima ang security escort ni Zamora gayong dalawa lang dapat ang maximum escort ng isang pulitiko.