-- Advertisements --

CAUAYAN CITY– Isang overseas Filipino Worker ang kauna-unahang nagpositibo ng COVID 19 sa San Mateo,Isabela

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Greg Pua na ang COVID patient ay isang 27 anyos lalaki, may-asawa at residente sa Salinungan West, San Mateo, Isabela.

Ang pasyente ay OFW na mula Saudi Arabia at dumating sa Pilipinas noong June 15, 2020 at naisailalim sa swab test na nagnegatibo kaya inihatid ng OWWA bus.

Bilang protocol sa Isabela ay dinala ang mga sakay ng bus sa Echague District Hospital at isinailalim muli sa swab test noong June 22, 2020 at lumabas na positibo ang resulta nitong Biyernes.

Pinauwi aniya ang pasyente sa kanilang barangay sa Salinungan West nang hindi pa lumalabas ang resulta ng swab test.

Naguguluhan siya dahil binigyan ng clearance ang pasyente para makauwi sa kanilang tahanan kaya kanyang pinasundo.

Dahil sa mayroon pa ring sinusunod na protocol ang kanilang barangay na i-quarantine muna sa kanilang daycare center ay hindi agad pinauwi ang pasyente… Habang nasa day care center ang pasyente ay tumawag anya ang Echague District Hospital upang ipaalam sa kanila na positibo sa COVID 19 virus ang OFW.

Ang ipinagsasalamat anya nila ay hindi pa nakakauwi sa kanyang pamilya ang OFW at tanging nakasalamuha nito ay ang driver na sumundo sa pasyente.

Kaagad na sinundo na ng health worker ng Southern Isabela Medical Center ang pasyenteng OFW na asymptomatic sa ngayon

Dahil dito nanawagan si Mayor Pua sa mga kinauukulan na dapat na bago ipasundo sa kanila ang isang OFW ay lumabas muna ang resulta ng swab test na taliwas anya sa ginawa sa nasabing pasyente.

Ang driver anya na sumundo sa pasyente ay nagkukulong na sa kanyang kuwarto at ayaw nang makipag-usap sa mga tao.

Inihayag pa ni Mayor Pua na tukoy na rin ang iba pang nakasalamuha ng OFW na isa ring OFW at ang mga nag-asikaso sa pasyente sa ospital.