-- Advertisements --

Binasag ng bayan ng San Rafael, Bulacan ang isang world record sa dami ng mga taong nagsuot ng angel costume.

Ito ay matapos magsama-sama ang mahigit 2,000 katao sa Victory Coliseum sa San Rafael Government Center na nakasuot ng ‘angel costume’.

Binubuo ito ng mga kabataan, barangay officials, senior citizen, at mga estudyante. Suot ng mga ito ang puting robe, halo, at pakpak, batay na rin sa recommendation ng Guinness.

Ang naturang event ay bahagi ng pasasalamat at pagpupugay ng lokal na pamahalaan kay St. Rafael the Archangel, ang patron saint nito. Bahagi rin ito ng pagpapakilala ng naturang bayan sa Angel Festival nito na ginaganap tuwing Setyembre.

Pinangunahan naman ni Guinness World Records adjudicator Kazuyoshi Kirimura ang pag-certify sa bagong record, at agad ipinasakamay sa lokal na pamahalaan ang certification. Kasama niyang nag-inspect ang kabuuang 50 expert witness.

Ang nasabing record ay dating hawak ng bansang Canada.

Nakuha ito ng naturang bansa noong 2015 kung saan kabuuang 1,275 katao ang nagsuot ng angel costume sa isang event na inorganisa ng Misericordia Health Centre Foundation sa Winnipeg, Manitoba, Canada, noong December 2015.

Ayon sa LGU San Rafael, ilang buwan din ang ginugol nila sa preparasyon hanggang sa makamit ang naturang record.