CAUAYAN CITY – Umaasa ang pamunuan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) national chapter na mapapabilis ang justice system sa bansa sa pag-upo ni bagong Chief Justice Diosdado Peralta.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, national president ng IBP, sinabi niya na umaasa sila na sa panahon ng panunungkulan ni Peralta ay bibilis ang paggulong ng mga nakabinbing kaso sa mga hukuman sa bansa dahil masyadong mabagal kung ikukumpara sa ibang bansa.
Umaasa rin si Atty. Cayosa na mapapabilis na ang pag-usad ng mga kaso laban sa mga akusado sa Ampatuan massacre na umabot na sa 10 taon ay hindi pa nakakamit ang katarungan para sa mga biktima na karamihan ay mga mamamahayag.
Idinagdag pa niya na kabilang sa rason kung bakit napakabagal ang pag-usad ng mga kaso sa bansa ay dahil sa kaugalian ng mga Pilipino na masyadong mapagbigay gayundin na minsan ay hindi nagpapakita ang mga testigo.
Hindi aniya maganda na naaantala ang kaso dahil ang mga mahihirap ang pangunahing apektado.
Sa ngayon ay ikinakampanya ng mga miyembro ng IBP ang tinawag nilang “Justice Bilis at hindi Justice Tiis.”
Ayon pa kay Atty. Cayosa, marami na sa mga mamamayan sa bansa ang walang tiwala sa justice system kaya dinadala nila sa barilan o suntukan ang pagkamit sa inaasam nilang hustisya.