-- Advertisements --

Inamin ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na naghahabol na sila sa preparasyon para sa hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Gayunman, kumpiyansa si Tolentino na tuloy pa rin ang hosting ng bansa lalo pa’t naplantsa na ng mga stakeholders ang isyu.

“Medyo nahuli ng kaunti pero we’re trying to catch up. All the facilities naman on time, training ongoing,” wika ng POC official.

Inihayag din ni Tolentino na nababahala raw ito sakaling maging sagabal ang masamang lagay ng panahon sa paghahanda ng bansa.

“The SEA Games is in November, so dadaan pa ang August, September, October. Ang lalakas ng typhoon nyan, so sana ‘wag namang tamaan yung mga lugar na may preparations or else kailangan ng massive repairs ‘yan. ‘Wag naman sana. That’s my only concern,” ani Tolentino.

Partikular na tinukoy ni Tolentino ang P13-bilyong New Clark City sports complex sa Capas, Tarlac kung saan idaraos ang karamihan sa mga events.

Tatampok sa complex ang 20,000-seater Athletic Stadium at 2,000-seater Aquatic Center.