KORONADAL CITY – Magiging “early Christmas gift” umano para sa mga pamilya ng Maguindanao massacre victims kapag papanig sa kanila ang hustisya at hahatulan ang mga akusado sa nakatakdang promulgasyon ng naturang kaso bukas, Disyembre 19, 2019.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Emily Lopez, presidente ng Justice Now Movement, ito na umano ang magiging pinakamagandang regalo na kanilang matatanggap ngayong Pasko.
Ayon kay Lopez, umaasa sila na magiging maayos ang resulta ng promulgasyon lalo na’t isang dekada rin nilang hinintay ang magiging resulta nito.
Dagdag pa nito, kung guilty ang magiging verdict sa mga akusado lalo na sa mga prime suspects, hindi umano mababalewala ang pagkasawi sa 58 mga biktima kabilang na rito ang 32 kasapi ng media.
Samantala ikinalugod din nito ang pagkakaroon ng live media coverage na pinagbigyan ng Supreme Court upang magbigay ng impormasyon sa ibang media sa labas ng korte.